Sunday, December 7, 2008

"Ang Telebisyon at Ang Henerasyon Ngayon" ni I.S Hayakawa

Paraphrase ng talata 11




Ang henerasyon ngayon ay henerasyon ng mga taong naghahangad ng agarang gratipikasyon--- "ngayon na", "ASAP", "instant". Ang mga tao ngayon ay naghahangad ng mga produktong makapagbibigay sa kanila ng gratipikasyon sa pinakamaikling panahon o sa lalong madaling panahon.


Isa sa mga "instant" ngayon ay ang komunikasyon. Dahil sa imbensyon ng telepono, o ang mas modernong cellphone, maaari ka nang magkaroon ng instant na kaibigan o syota sa pamamagitan lamang ng "text". Kung gusto mo rin manuod ng pelikula o maaliw ng musika, nariyan ang DVD player, CD player, at ang pinakabagong iPod na magbibigay sayo ng instant entertainment o kasiyahan.


Maging ang sekswal ng kaligayahan ay makukuha na ngayon ng instant. Nariyan ang mga G.R.O na magbibigay ng instant sexual pleasure kapalit ng pera.


Halos lahat ngayon ay makukuha na nang instant. Dahil dito, ang henerasyon ngayon ay nagiging tamad at pabaya. Andyan na nga naman ang shortcut, bakit mo pa pipiliin ang long way?

"Ang Telebisyon at Ang Henerasyon Ngayon" ni I.S Hayakawa

Precis ng talata bilang 6 at 7




Ang advertising ay isa sa mga makapangyarihang kontrol ng lipunan. Idinidikta nito kung ano ang mga bagay na dapat makamit ng isang tao. Ginagatungan nito ang mga pagnanasa ng taong maging sentro ng kainggitan; ang pagnanasang makaangat sa iba.


Walang intensyon na tumulong sa lipunan ang advertising dahil ang tanging konsern nito ay ang makabenta ng kanilang mga produkto. Ang anumang epekto ng mga produkto na ito, mabuti man o masama, ay hindi pananagutan ng advertising.


Malakas ang kapangyarihan ng advertising na mangumbinsi. Nakukumbinsi nito ang tao na bumili ng mga bagay sa kabila ng kahirapan ng buhay. Kung magagamit ang advertising sa pagpapalaganap ng pagkamakabayan, siguradong malaki ang ikauunlad ng ating bansa.

Tuesday, December 2, 2008

~~*Iba't Ibang Simbolo ng Ngipin*~~

Ngipin -- sa panaginip

> Ang ngipin sa panaginip ay maaring mangahulugan ng pagiging agresibo ng isang tao. Kung sa panaginip ay nakita ang isang tao na nangagat o kinagat, ito ay isang senyales na ang taong nangagat ay may agresibong intensyon sa kanyang kinagat...
> Ang pekeng ngipin (pustiso,etc.) ay maaaring mangahulugan ng pagiging hindi totoo o kawalan ng sinseridad ng isang tao.
> Ang pagkatanggal ng ngipin ay nangangahulugan ng takot sa pagtanda o pagkawala ng abilidad sa pakikipagtalik. (impotency) Maaari din itong mangahulugan ng pagbalik sa pagiging sanggol dahil sa pagtanggi sa katotohanan o realidad ng buhay. Maaari din naman itong mangahulugan ng simula ng panibagong yugto ng buhay ng isang tao.
> Ang bulok na ngipin naman ay maaaring mangahulugan ng isang masakit na pangyayari sa buhay ng isang tao o isang alaalang pinagsisisihan at ayaw nang balikan ng isang tao.
> Sa pangkalahatan, ang ngipin ay sumisimbolo sa panaginip ng lakas ng loob o kompetensya ng isang tao sa tunay na buhay.

Sanggunian: Eric Ackroyd ng http://www.mythsdreamssymbols.com/

Ngipin -- sa alamat

> Sa pelikulang Teeth na tinampukan ni Jess Weixler, mayroon isang babaeng may ngipin sa kanyang sex organ. Ang tawag sa sakit o kondisyon na ito ay Vagina Dentata. Ang ngipin na ito ay nagsilbing proteksyon ng babae mula sa mga mapangahas na kalalakihang nagtangkang gahasain siya. Tulad ng sa alamat, ang ngipin daw na iyon sa sex organ ng babae ay nagsilbing babala sa mga kalalakihang nagtatangkang makipagtalik sa hindi ordinaryo o kakaibang babae.

Sanggunian: http://en.wikipedia.org/wiki/Vagina_dentata

Sunday, November 23, 2008

Reaksyon sa Pinagmulan ng Wika

Gaya ng nakasaad sa Wikipedia.org, walang wika noong sinaunang panahon. Walang sinuman ang ipinanganak nang mayroon nang piling wika na kanyang gagamitin. Ang wika ay isang abilidad na natututunan sa pakikipagtalakayan o pakikipag-usap sa ibang tao. Hindi limitado sa iisang wika lamang ang kayang matutunan ng isang tao. Naniniwala ako sa Gesture Theory na nagsasabing ang wika ay nagmula sa mga aksyon o gestures na nakasanayan ng mga unang tao. Ang mga bayolohikal na katibayan na inilahad ng teoryang ito ay sumusuporta sa ideya na ang wika ay nagmula sa mga aksyon o gestures na ginamit ng mga sinaunang tao. Mas naniniwala ako sa teoryang ito kaysa sa mga Biblikal at Mitolohikal na teorya ng pinagmulan ng wika.